Ping dala ang aral ng ina sa pagsugpo ng kotong: “Huwag manlalamang sa kapwa”

 

Ping dala ang aral ng ina sa pagsugpo ng kotong: “Huwag manlalamang sa kapwa”

TANZA, Cavite — Sinariwa ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang pangyayari sa kanyang pagkabata kung saan muntik na siyang mamatay, na nag-iwan sa kanya ng malaking inspirasyon para maging mabuting lingkod-bayan at alisin ang kotong sa hanay ng kapulisan.

“Siguro mga five, six years old ako ‘non, kasama ko ‘yung aking pinsan… Hindi pa ako marunong lumangoy, napunta ako sa malalim. Kaya ako naniniwala merong langit e. Alam niyo, sisinghap-singhap ako noon…‘Pag tingala ko sa langit, alam niyo ang narinig ko? Kanta ng mga anghel,” kuwento ni Lacson.

Ayon sa batikang mambabatas, bumaon sa kanyang isipan ang sandaling ito dahil dito niya napagtanto na kung may langit ay meron ding impiyerno. Lagi ring bitbit ni Lacson ang mga iniwang aral sa kanya ng mga magulang habang lumalaki sa Cavite.

“Huwag manlalamang sa kapwa, ‘yan ang kabilin-bilinan ng aking nanay. ‘Hindi na baleng malamangan kayo, huwag kayong manlalamang.’ Dala ko ho ‘yan hanggang sa aking serbisyo publiko,” sabi ni Lacson sa kanyang talumpati sa Tanza, Cavite.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal ng mga tricycle operators and drivers associations at mga barangay sa Cavite, inilahad ni Lacson ang mahihigpit niyang polisiya upang magamit nang maayos ang pondo ng Philippine National Police (PNP) kabilang na ang kanyang ‘no take policy.’

“Alam niyo tayong mga Caviteño, ‘di ba, barako tayo lagi e. ‘Pag nagsalita tayo ginagawa natin. ‘Di ba ‘yan ang tatak ng Cavite. Kaya nga nabuo ‘yung aming ‘Macho Bloc’ e. Biro niya (Sotto) lang ‘yung machunurin–pero machunurin talaga rin kami–pero talagang macho rin kami, na ‘pag sinabi namin, talagang ginagawa namin,” sabi ni Lacson.

Nitong Biyernes, nakipagpulong si Lacson na tubong-Imus sa mga tsuper, operator at lokal na pamahalaan sa Cavite upang mahingi ang kanilang mga saloobin hinggil sa mga pangunahing pangangailangan at prayoridad sa kanilang komunidad.

Kasama ni Lacson ang running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III at mga senatorial candidate na si Dra. Minguita Padilla at retired General Guillermo Eleazar. Muli ring dumalo sa “Online Kumustahan” na ito ang brodkaster na si Raffy Tulfo, na guest candidate ng tambalang Lacson-Sotto.




Comments

Popular posts from this blog

Lacson, Sotto to Maintain Focus on Voter Enlightenment in Last Month of Campaign

Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya