Ping, Humiling ng Isang Mapayapang Rebolusyon sa Mayo 9

 

Ping, Humiling ng Isang Mapayapang Rebolusyon sa Mayo 9


cavite

Mayo 7, 2022 (CARMONA, Cavite) - Sa kanilang ginanap na miting de avance Biyernes ng gabi, hinikayat ni independent presidential aspirant Sen. Panfilo "Ping" Lacson ang sambayanan na maglunsad sa Mayo 9 ng isang mapayapang rebolusyon sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang karapatan na bumoto ng karapat-dapat na lider ng bansa.


Ito ang panawagan ni Lacson at ng kanyang ka-tandem na si Senate President Tito Sotto sa harap ng mahigit sa 50,000 supporters na dumalo sa Verdant Square.


"Nananawagan ako sa inyo. Inaanyayahan ko kayo na maglunsad tayo ng isang rebolusyon. Hindi po rebolusyon na tulad ng pinaglaban ng ating mga ninuno ng ating mga bayani. Ito po ay isang tahimik na rebolusyon kung saan ang ating gamit ay ang ating mga panulat upang i-shade sa balota ang mga pangalan ng mga dapat at karapat-dapat na mamuno sa ating bansa," ani Lacson.


Muling binigyang diin ng presidential bet na hindi na natin kaya pa na magkaroon ng maling namumuno sa bansa lalo na't malaki ang kinakaharap nating problema bilang isang bansa.


“Uulitin ko, nananawagan po ako. Sa May 9, sa Lunes, kapag tayo ay naglakad papunta sa ating mga polling precincts at tayo ay nagsimulang pumili ng ating mga kandidato, huwag na huwag po tayong magkamali. Ang nakasalalay po rito ay buhay ng ating mga anak at magiging anak ng ating mga anak, ang susunod na henerasyon ng Pilipino. Sa kanila po natin ialay ang ating boto," pahayag ng senador.


“Huwag natin payagan na ang ating kabataan ang susunod na henerasyon ay mawalan ng pag-asa sa ating bayan. May pag-asa ang Pilipinas. May pag-asa ang Cavite. May pag-asa ang Carmona. May pag-asa ang bawa’t sulok sa ating bansa basta pumili tayo ng tama," dagdag nito.


Ibinahagi pa ni Lacson na sila ni Sotto ang may sapat na kakayahan at track record na pamunuan ang bansa sa gitna ng mga problema na kinakaharap ng mamamayang Pilipino.


Kasabay nito ang paghikayat din sa mga botante na iboto ang kanilang mga kandidato sa pagka-senador na sina Minguita Padilla, Guillermo Eleazar, Emmanuel "Manny" Pinol, JV Ejercito at Gregorio Honasan II.


Para naman kay Sotto, ang eleksyon sa Mayo 9 ay isang pagkakataon para sa panibagong pag-asa ng sambayanang Pilipino. “Pagkakataon na natin ito, Pilipinas!" sigaw ng vice-presidential bet.


*****

Comments

Popular posts from this blog

Lacson, Sotto to Maintain Focus on Voter Enlightenment in Last Month of Campaign

Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya