Ping: Bagsak tayong lahat pag ‘di naayos ang badyet
Ping: Bagsak tayong lahat pag ‘di naayos ang badyet
Umaasa si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na magiging matalino ang mga botante at pipiliin ang may karanasan at kahandaan para ayusin ang mga problema ng bansa partikular na ang paggasta sa badyet ng pamahalaan.
“Alam niyo, ‘pag bumara ‘yung ating budget [na] sabi ko lifeblood, stroke ang aabutin ng ating bayan… E baon na nga tayo sa utang, pagkatapos hindi mo pa gagastusin nang maayos ‘yung utang, saan tayo pupulutin? Wala, sa kangkungan,” pahayag ni Lacson sa mga Caviteño sa General Trias Sports Park.
“Dapat ibalik natin ‘yung kapangyarihan sa taumbayan—panahon na. Ito, hindi dahil sa kampanya ngayon, ano. Kasi matagal ko na ring sinasabi ito. Hindi pa ako kumakandidato… So, I just hope na magising ‘yung ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Dito inilatag ni Lacson na kilalang bantay sa pondo ng bayan bilang mambabatas, ang kanyang plano para maisaayos ang sistema ng pambansang badyet at koleksyon ng buwis na kabilang sa mga dahilan upang lumobo ang panloob at panlabas na utang ng bansa na tinatayang aabot na sa P13.42 trilyon sa 2022.
Muli ring iginiit ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kanilang pangako na magiging lider sila na may mabuting ehemplo sakaling sila ang magiging susunod na presidente at bise presidente.
Sabi pa ni Lacson “Ma-solve lang natin ‘yung katiwalian, ‘yung korapsyon sa ating gobyerno, more than 50 percent of the problems of this country solved na. Pag-aralan ninyo. Ganoon talaga ‘yung reyalidad, ganoon talaga, mawala lang ‘yung katiwalian.”
Sa pagbabalik niya sa kanyang home province upang makausap ang mga lider ng lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder mula sa pampublikong sektor, inalala rin ni Lacson ang kanyang kabataan at panahon kung saan hindi pa lumolobo sa trilyon ang utang ng pamahalaan.
“Nami-miss ko rin ‘yung mga araw na naglalangoy kami sa ilog… Naninirador ng ibon na nag-a-ano ng camachile sa tabing-daan. Ang sarap ng buhay ‘nung araw e. Napabayaan lahat ‘yan. Bakit? Kapabayaan ng gobyerno,” ani Lacson.
Isinusulong nina Lacson at Sotto ang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program na makakatulong upang maibaba ang pondo ng bayan sa mga maliliit na barangay at magkaroon sila ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang komunidad na mula mismo sa kanilang mga prayoridad na proyekto, tulad ng kabuhayan at imprastraktura.
Comments
Post a Comment