Lockdown, Posibleng Tanggalin na sa Liderato ni Ping

 Lockdown, Posibleng Tanggalin na sa Liderato ni Ping

Oktubre 14, 2021 - Kinokonsidera ni Senador Ping Lacson ang tuluyang pagtanggal ng lockdown kung sakaling mahalal sila ni Senate President Tito Sotto bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo sa darating na eleksyon sa Mayo 2022.


Ayon kay Lacson, bagama't ang Pilipinas ay nagkaroon ng pinakamatagal na lockdown sa buong mundo, hindi ito naging epektibo sa pagpigil sa pagkalat ng Covid, at hindi rin nakatulong sa pag-rekober ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa.


"We’re toying with the idea that after June 30, 2022, wala na tayong lockdown kasi hindi nagwo-work ang longest lockdown. Lockdown ng lockdown, hindi nagwo-work. Baka may ibang approach," ani Lacson sa kanyang panayam sa Pandesal Forum nitong Huwebes.


Kamakailan ay nabanggit ni Lacson na lahat ng polisiya laban sa Covid-19 ay dapat na nakabase sa siyensya, teknolohiya, at datos at hindi lamang base sa trial-and-error.


"As we go on, we adopt methods; ginagawa natin na magwo-work but we stop or reconsider tayo sa hindi nagwo-work. Kung hindi ka flexible, hindi ka nag-a-adapt for some reason, walang mangyayari sa buhay natin," dagdag ni Lacson.


Aniya, kinokonsidera niya ang ibang mga alternatibong paraan tulad ng mas maayos na distribusyon ng bakuna, pagbibigay kapasidad sa mga pampublikong ospital, at maayos na paggamit ng pondo kabilang na ang posibleng paggamit ng off-budget income ng mga publikong ospital para sagutin ang hospitalization expenses ng mga kababayan nating naka-confine sa ospital.


Ibinahagi ni Lacson ang COVID-19 Recovery Index ng Nikkei Asia na nagpapakita na huli ang Pilipinas sa 121 bansa sa aspeto ng infection control at pagbabakuna.


Ito rin ang binigyang diin ni Lacson kay Health Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng panukalang badyet ng DOH para sa 2022 nitong Miyerkules.


"Covid is here to stay, we don’t know when it will end. I told Sec. Duque that what we have is not working. Tayo ang longest lockdown sa buong mundo," sabi ni Lacson.


Aniya, ang mas nagpapalala pa sa sitwasyon ay ang kabi-kabilang korapsyon sa pagbili ng supplies para matugunan ang pandemya at kawalan ng kakayahan ng iba na pamunuan ang kanilang ahensya.


"Pinaparusahan natin ang ekonomiya at hindi nagwo-work ang health efforts natin para ma-cure ang COVID," sabi ng senador.


"Ang daming problema hindi lang pandemic, pati post-pandemic," dagdag ni Lacson.


*********

Comments

Popular posts from this blog

Lacson, Sotto to Maintain Focus on Voter Enlightenment in Last Month of Campaign

Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya