Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya
- Get link
- X
- Other Apps
Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya
Mayo 7, 2022 - Sa pagtatapos ng kampanya at halalan sa Mayo 9, umaasa si independent presidential candidate Senador Ping Lacson na ito na rin ang magiging katapusan ng pagkakawatak-watak at girian na nanaig sa nakararaming botanteng Pilipino noong nakaraang 90 araw.
Sa kanyang Twitter post nitong Sabado ng umaga, ipinahayag ni Lacson ang pag-asa niya na maging isang bansa at nagkakaisang sambayanan muli ang mamamayang Pilipino.
"Dear God. Thank You for keeping us ALL safe from illness and injury as we finish the race to submit ourselves to the will of the people. May the bitterness and animosity be buried with the memories of the most grueling 90 days of our lives and be one nation, one people again," ani Lacson.
Sa nakaraang 90 araw, sinuyod ng Lacson-Sotto tandem kasama ang kanilang senatorial bets ang mga probinsya sa buong bansa kabilang na ang mga malalayong parte ng bansa kung saan sila nagsagawa ng serye ng town hall meetings at nakinig sa mga hinaing ng residente na na kanilang nakasalamuha. Dito nila mas nalaman ang tunay na pulso at kinakaharap ng taumbayan habang inilalatag nila ang kanilang solusyon at plataporma bilang tugon sa mga ito.
Hindi naging madali para kay Lacson ang kanyang kampanya sa gitna ng pakikiharap sa mga trolls ng iba't-ibang kampo ng pulitiko at sa kanyang pagbibitiw sa Partido Reporma matapos na lumipat ng suporta ang partido sa ibang kandidato.
Sa pagtatapos ng kampanya, bumalik si Lacson sa kanyang balwarte sa Cavite at dito isinagawa ang miting de avance. Kasunod naman nito ang isang caravan sa iba't ibang parte ng Timog Luzon nitong Sabado.
Nanawagan din ang presidential bet sa isang mapayapang pagkilos sa pamamagitan ng paggamit ng karapatan na iboto ang nararapat na lider ng bansa sa Mayo 9.
Kasama ni Lacson sa nasabing miting de avance ang kanyang vice presidential bet na si Senate President Vicente "Tito" Sotto III, at senatoriables na sina Minguita Padilla, Guillermo Eleazar, Emmanuel "Manny" Pinol, JV Ejercito at Gregorio "Gringo" Honasan II.
*****
- Get link
- X
- Other Apps
Comments
Post a Comment