Ping dumalaw sa Iloilo na hinagupit nina ‘Yolanda,’ ‘Agaton’
Ping dumalaw sa Iloilo na hinagupit nina ‘Yolanda,’ ‘Agaton’
NAGHATID ng pag-asa at mensahe ng pag-ahon si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang pagbabalik sa bayan ng Estancia sa Iloilo na muling hinagupit ng kalamidad dulot ng bagyong ‘Agaton.’
Inilatag ni Lacson sa harap ng mga residente at lokal na opisyal na nag-abang sa kanyang pagbisita nitong Martes (Abril 19), ang kanyang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na tiyak umanong makapagbibigay ng kaunlaran sa kanilang bayan.
Sa kanyang muling pagdalaw sa Estancia, inilahad din ni Lacson ang naging karanasan niya bilang dating Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery sa mga lugar na winasak ng Super Typhoon ‘Yolanda’ tulad ng Iloilo.
Kinumusta ni Lacson ang mga residente at opisyal ng lokal na pamahalaan sa nasabing bayan at nakibalita sa kanilang kuwento ng pagbangon. Ayon sa dating kagawad na ngayon ay barangay chairman ng Jolog na kanyang nakausap, ‘fully recovered’ na sila sa hagupit ng Bagyong ‘Yolanda.’
“Sabi niya, fully recovered, and that’s the essence of response. Pagka may disaster, kailangan immediate response. Hindi pwede ‘yung ‘pag may disaster, puro pangako, puro kuwento, puro bolahan,” ani Lacson.
Ang agad na pag-aksyon ay ipinairal din ni Lacson nang manalasa naman ang bagyong ‘Agaton’ sa Iloilo kamakailan. Ipinagpaliban ng kanyang mga volunteer ang kampanya rito noong nakaraang linggo upang magsagawa ng relief operations maging sa mga kalapit na bayan ng Estancia.
“Sa tulong ng mga taga-Estancia rin, ‘yung mga kaibigan, mga volunteers namin dito, nag-chip in sila. And they were able to produce ‘yung relief packs, ano, ‘yung mga relief goods and they were able to attend to something like 1,700 families,” ayon kay Lacson.
Binigyang-diin ni Lacson dito ang kahalagahan ng pagbibigay ng maagap na tugon para sa mga nangangailangang kababayan na apektado ng pagdaan ng unos, mayroon mang kapangyarihang magpatupad nito o wala.
Matatandaan na inatasan si Lacson ni dating Pangulong Benigno Aquino III na magsagawa ng koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan upang bumuo ng komprehensibong plano sa rehabilitasyon at muling pagtaguyod sa mga lugar na winasak ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8, 2013.
“Wala akong implementing authority; walang budget. Ang ginawa namin noong January 2014… Ginawa ko kaagad, tinawagan ko ‘yung tinawag naming ‘development partners,’ all the big corporations in the Philippines… You name it, they all responded to our call,” lahad ni Lacson.
Aniya, sa mga malalaking korporasyon na kanilang hiningan ng tulong, ang magkapatid na business tycoon na sina Fernando Zobel de Ayala at Jaime Zobel de Ayala ang nagboluntaryo para tumulong sa mga residenteng nabiktima ng ‘Yolanda’ sa Estancia, Iloilo.
“Ang ginawa ng Ayala Foundation through the OPARR, ‘yung office namin… Ni-rehabilitate nila ‘yung 300 na fishing boats. And 120 houses ang nasira, either totally destroyed, totally damaged or partially damaged, so ni-rehabilitate nila in an eight-hectare land in Jolog,” sabi ng presidential candidate.
Para tuloy-tuloy ang kaunlaran sa Iloilo, sinabi ni Lacson na magiging epektibo ang BRAVE program dahil maibababa na sa lokal na pamahalaan ang pondo galing sa national government para magamit nila sa kanilang mga proyektong pangkaunlaran tulad ng kabuhayan at imprastraktura, na sila mismo ang magpaplano at magpapatupad.
Comments
Post a Comment