Higit 60K dumalo sa ‘Pure Love’ rally ng ‘KakamPing’ sa QCMC

 

Higit 60K dumalo sa ‘Pure Love’ rally ng ‘KakamPing’ sa QCMC


MANILA, Philippines — Tinatayang umabot sa mahigit 60,000 mga Pilipino na nagnanais ng bagong liderato ang dumagsa sa Quezon City Memorial Circle (QCMC) noong Sabado (Abril 9) para ipakita ang kanilang pagsuporta sa kandidatura nina presidential bet Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Tinaguriang ‘Pure Love’ ang nasabing rally na dinaluhan ng ilang mga sikat na performer at celebrity guests mula hapon hanggang gabi. Inorganisa ang aktibidad ng mga miyembro ng Lacson-Sotto Support Group (LSSG) mula sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya sa Luzon.

Itinaon ang naging pagtitipon sa paggunita ng ‘Araw ng Kagitingan’ kung saan lumagda ng isang manifesto ang tambalang Lacson-Sotto para isulong ang tapat na pamahalaan at protektahan ang tiwalang ibibigay sa kanila ng taumbayan sakaling mahalal bilang susunod na pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.

“Sisiguraduhin naming walang bahid ng katiwalian ang aming panunungkulan upang hindi masayang ang inyong boto. Ang lahat ng plataporma na aming inihain ngayong kampanya ay aming tutuparin nang may kagi­tingan, buong husay at katapatan,” pangako nina Lacson and Sotto sa kanilang manifesto.

Hinikayat ni dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares, assistant campaign manager ng tambalang Lacson-Sotto, ang mga botante na pumili ng isang pinunong handang solusyunan ang mga problema ng bansa alang-alang sa mga susunod na henerasyon ng Pilipino.

Kumbinsido naman si retired Gen. Raul Gabriel Dimatatac, pinuno ng LSSG Metro Manila chapter at iba pang mga tagapagtaguyod ng LSSG sa Laguna, Nueva Ecija, Rizal, Cavite, Bulacan at Batangas na kaya nilang ipanalo ang tambalang Lacson-Sotto ngayong Halalan 2022 dahil nasa likod nila ang puwersa ng tinatawag na ‘silent majority.’

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Lacson ang kanilang mga ‘KakamPing Tunay’ mula sa LSSG at mga organizer ng ‘Pure Love’ rally na pursigidong ikampanya sila ni Sotto, gayundin ang kanilang mga adbokasiya. Organisado ang LSSG sa 59 na lalawigan sa buong bansa.

“Hindi lang sila kumikibo, hindi lang sila masyadong maingay, pero tahimik po silang nagtatrabaho, tahimik silang nagsasagawa ng kanilang ground work at para kumumbinsi ng ating mga kababayan upang ipahayag ang ating mga kuwalipikasyon, ang ating karanasan, ang ating competence sa pamumuno, at ang aming walang pag-iimbot na hangarin para magsilbi sa ating bansa sa susunod na anim na taon,” sabi ni Lacson sa kanilang masugid na mga tagasuporta.

Comments

Popular posts from this blog

Lacson, Sotto to Maintain Focus on Voter Enlightenment in Last Month of Campaign

Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya