Ping: Pwede Namang Mamuhay nang Normal Pero Listo pa Rin sa COVID
Ping: Pwede Namang Mamuhay nang Normal Pero Listo pa Rin sa COVID
Pebrero 1, 2022 - Sa pagkabugbog ng ating ekonomiya at sektor ng kalusugan dahil sa epekto ng dalawang taon nang pandemya, sinabi ni Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo "Ping" Lacson na napapanahon na para baguhin ang mindset ng mga Pilipino patungo sa pamumuhay habang nananatili ang banta ng COVID-19.
Nauunawaan ni Lacson na mahalaga pa rin ang kaligtasan at kalusugan ng bawat Pilipino ngunit kinakailangan na umanong tanggapin ang buhay na mayroong umiiral na COVID-19 upang magkaroon ng kaukulang pag-iingat laban sa virus habang pinasisigla ang ekonomiya.
"It’s about time. Talagang matindi ang inabot ng ekonomiya natin for the past two years," sabi ni Lacson sa panayam ng DWIZ nitong Martes, hinggil sa mungkahi ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion na alisin ang alert level system.
Sinabi rin ng presidential candidate na dapat nang bumuo ng pangmatagalang plano ang gobyerno para maiwasan ang mga nangyaring kapalpakan noong 2020 dahil sa kawalan ng kahandaan ng bansa upang maiwasang makapasok ang COVID-19, bunga ng kabiguan sa contact tracing at pagsasara sa mga border.
Iginiit ni Lacson na maaari tayong matuto mula sa mga bansa sa Europa na sinisimulan nang ibahin ang pananaw ng kanilang mga mamamayan sa COVID-19 patungo sa endemic na estado kung saan itinuturing na lamang ito bilang karaniwang sakit.
“Sa Europe nga medyo ang trato na lang nila endemic, hindi na ito pandemic. So, dapat pag-aralan natin ano ‘yung state ngayon doon sa mga European countries na tumiwalag na doon sa—hindi, parang wala na, hindi na pandemic ‘yung trato nila, normal na,” aniya.
Diin ni Lacson, dapat mabilis at maagap na kumilos ang mga health at economic official ng gobyerno upang hindi na maulit ang nangyari sa nakaraan na nagbunga sa mabilis na pagkalat ng COVID-19.
“Dapat pag-aralan pero dapat bilisan din ‘yung pag-aaral. May mga makokonsulta naman tayong mga experts, health experts here and abroad. So, ‘yon ang dapat gawing aksyon ngayon ng gobyerno,” saad ni Lacson.
Kung maisasagawa ito, sinabi ni Lacson na makakabawi na ang mga Pilipino mula sa mga nanakaw na oportunidad dulot ng epekto ng pandemya. Ito rin ang isinusulong niyang plataporma at kanyang running mate na si Senate President Vicente "Tito" Sotto III sa kanilang adbokasiya na “Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino” at “Uubusin ang magnanakaw”.
*****
Comments
Post a Comment