Ping: 'Fat-Free' Na Badyet, Mahalaga sa Pagbangon Mula sa Pandemya
Ping: 'Fat-Free' Na Badyet, Mahalaga sa Pagbangon Mula sa Pandemya
Pebrero 25, 2022 - Mahalagang tiyaking "fat-free" ang mga susunod na pambansang badyet para makabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.
Dahil dito, ipinahayag ni Senador Ping Lacson ang kanyang suporta sa fiscal consolidation plan ng National Economic and Development Authority para sa susunod na administrasyon.
"Thank you, NEDA. This is what I’ve always been saying during budget deliberations. With a yearly average of P328B UNUSED appropriations for the past 10 years (2010-2020) and P700B in MISUSED/ABUSED budget each year, there couldn’t be a better advice," ani Lacson, na tumatakbo sa pagka-Presidente sa ilalim ng Partido Reporma, sa kanyang Twitter account nitong Biyernes.
Pinatungkulan ni Lacson ang halos P328 bilyon sa badyet na hindi nagamit kada taon mula 2010 hanggang 2020 dahil sa kakulangan ng tamang pagpaplano - at P700 bilyon na nasayang kada taon dahil sa korapsyon, base sa pahayag ni dating Deputy Ombudsman Cyril Ramos.
Kasalukuyang gumagawa ang NEDA ng plano upang mabayaran ang lumolobong utang ng bansa at paliitin ang budget deficit dulot ng pandemya. Ayon kay Socioeconomic Planning Undersecretary Rosemarie Edillon, kasama sa plano ang panukalang pagbawas sa mga non-priority budget items.
Sa kanyang 18 taon bilang senador, nakilala si Lacson bilang masugid na tagabantay ng pambansang badyet at taga-buking ng mga maanomalyang insertions.
Nakaangkla ang plataporma ni Lacson at ng kanyang ka-tandem na si Senate President Tito Sotto sa pagsasaayos ng mga problema sa pamahalaan (Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino) at pagpapanagot sa mga tiwali sa gobyerno (Uubusin ang Magnanakaw).
Kabilang sa mga reporma nila ang pagkakaroon ng zero-based budgeting system, at kombinasyon ng mahigpit na fiscal discipline at "leadership by example."
*****
Comments
Post a Comment