People's Budget, Isasakatuparan ni Ping
People's Budget, Isasakatuparan ni Ping
Pebrero 7, 2022 - Sa ilalim ng administrasyong Lacson, ang pambansang badyet ay magiging tunay na "People's Budget" dahil hihikayatin ang mamamayan na magkaroon ng papel sa pagbuo nito.
Ayon kay Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo "Ping" M. Lacson, sa paraang ito maiiwasan na manakaw ang pondo ng taumbayan.
"Kumpleto ang consultation para matugunan ang pangangailangan at prayoridad," ani Lacson sa kanyang panayam sa DZRH nitong Sabado.
"It is high time ordinary Filipinos take part in such a process by taking part in budget hearings at the local level. Dapat makialam sila dahil pera nila ito," dagdag ng presidential aspirant.
Ayon kay Lacson, magiging malaki ang papel ng civil society groups at non-government organizations bilang kinatawan ng ordinaryong Pilipino sa deliberasyon ng badyet sa lokal na lebel bago ito iakyat sa city o municipal council. Nakilala si Lacson bilang masusing tagapagbantay ng badyet sa Senado.
Noong 2019, naghain si Lacson ng panukalang batas na naglalayong bigyan ng direktang partisipasyon ang taxpayers sa proseso ng pagpapasa ng badyet kung saan ang mga accredited NGOs at CSOs ay magkakaroon ng papel sa pagpasa nito.
Sa ilalim ng panukala, maaaring mag-obserba ang accredited NGOs at CSOs sa public consultations at magsumite ng position papers na aaralin ng mga ahensya ng gobyerno at government-owned and controlled corporations.
Sakaling mahalal sa Mayo, hihikayatin ni Lacson ang Kongreso na ipasa ang panukalang ito.
Aniya, sa pamamagitan nito, maiiwasan ang mga insidente kung saan hindi pa naipapatayo ang mga kalsada na hinihiling ng local officials ay may road-widening project na - dahil sa kakulangan sa konsultasyon sa mga residente nito.
"This, aside from a zero-budget setup where agencies defend their proposed programs and activities instead of working with a budget ceiling, will make the budget truly work for the people," ani Lacson.
*****
Comments
Post a Comment