Ping: ‘In’ ang socmed pero matalinong solusyon sa problema ang kailangan sa kampanya
Ping: ‘In’ ang socmed pero matalinong solusyon sa problema ang kailangan sa kampanya
Hinikayat ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang mga Pilipino na huwag basta pasilaw sa mga nakikitang impormasyon, pambobola at pa-aliw sa social media, dahil ang mga tunay na problema ng bansa ay nangangailangan ng matibay na solusyong hindi madadaan sa mabilisang paraan.
Ibinahagi ni Lacson ang pananaw na ito sa kanyang pag-upo sa hot seat ng ‘The Chiefs’ sa ONE News PH, Lunes ng gabi. Inamin niya ang mga hamon na kinakaharap ng kanyang campaign team pagdating sa pagpapaabot ng kanilang adbokasiya sa social media na dinodomina na ng ibang kandidato sa pagkapangulo.
“‘Nung kinausap ako nung aking—especially ‘nung aking communications team, ano—sinabi nilang kailangan sumama tayo doon, makisama tayo kasi ‘yon talaga ‘yung trend, ‘yon ang takbo ng kampanya e,” tugon ni Lacson sa tanong kung ano ang mga plano ng kanyang team para mapataas pa ang kanyang kandidatura ngayong higit tatlong buwan na lang ay eleksyon na.
Tinutukoy ni Lacson ang payo sa kanya na gumawa ng video blog at pakikipagkolaborasyon sa mga sikat na vlogger, na may malakas na tagasunod sa social media. Aminado si Lacson na nag-aalangan siyang tanggapin ito dahil alam niyang bihirang matalakay ang mga seryosong usapin tulad ng pulitika, mabuting pamamahala, at iba pang mga malalalim na bagay sa ganitong mga uri ng pakikipag-ugnayan sa publiko.
“Ang tanong ko nga sa kanila (campaign team) ‘Bakit? Kailan pa ba naging dreamless, hopeless, and helpless ang mga Pilipino na hindi na iniisip ‘yung malalalang problema, mga seryosong mga bagay, at nagkakasya na lamang doon sa parang, sabihin na natin entertainment, ano—more on the entertainment side?” saad pa ng batikang mambabatas.
Nilinaw naman ni Lacson na sa kabila nito ay bukas pa rin siya sa mga bagong ideya upang maipakilala ang kanyang mga isinusulong na plataporma basta’t hindi ito nalalayo sa kanyang tunay na pagkatao, mga layunin, at kung paano siya nakilala ng taumbayan na kanyang nais na patuloy pagsilbihan.
“Sa akin naman, as long as hindi mawala ‘yung authenticity, ano, ‘yung aming—kung ano ‘yung ginagawa namin ay okay lang. Tingnan natin how far we can make adjustments. But sa akin, meron akong sinasabi sa kanila na laging may threshold. Huwag nating kalimutan na ang hinaharap ng bansa natin napakaseryoso, napakalalang problema, so huwag tayong mag-deviate completely from that narrative,” paliwanag ni Lacson.
Tumatakbo si Lacson bilang pangulo ka-tandem si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III. Itinutulak ng dalawang batikang mambabatas ang mga programang mag-aayos sa gobyerno at uubos sa mga magnanakaw upang maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino, sa pamamagitan ng mabuting pamamahala, maayos na paggasta sa pambansang badyet, pagtugon sa problema sa ekonomiya at lipunan.
Comments
Post a Comment