Ping kay Duque: Lansagin ang Sindikato sa Overpriced Ambulance

 Ping kay Duque: Lansagin ang Sindikato sa Overpriced Ambulance

Setyembre 24, 2021 - Parang bulang naglaho buhat sa kaban ng pamahalaan ang P841 milyon bunga ng sagana sa tongpats na mga ambulansiyang binili ng Department of Health (DOH) na overpriced ng P1 milyon bawa't isa.


Ito ang binanggit ni Senador Lacson nitong Biyernes sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa mga katiwaliang may kaugnayan sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.


Ayon kay Lacson, ang nabanggit na overpricing ay maaring kagagawan ng sindikato na matagal nang namamahay sa DOH kaya sinabihan ng mambabatas si Secretary Francisco Duque III na lansagin na ito.


Posibleng may kinalaman din ang grupong tinutukoy ng mambabatas sa overstocking ng mga expired na at malapit nang mag-expire na mga mga gamot na nagkahalaga ng P2.736 bilyon kabilang na ang nagkakahalaga ng P2.2 bilyon na naitala sa taong 2019 lamang.


"Entrenched ang sindikato kasi nariyan ang overpricing. Yan gusto namin matingnan ninyo nang maayos para ma-uproot ang sindikato sa loob ng department. Pre-pandemic at during the pandemic, parang hindi nagbabago ang pagbili ng expired medicines at overpricing," banggit ni Lacson.


"Sana gawan ninyo ng paraan para ma-uproot, ma-expose at mahinto ang sindikato sa DOH," dagdag ni Lacson.


Tinugunan naman ito ni Duque ng mga katagang, "Yes Sir, sisiguraduhin kong matutukan ito."


Sa pagtatanong ni Lacson, isiniwalat ni Duque na ang DOH ay bumili at namahagi ng 841 na ambulansiya sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) para sa taong 2019 at 2020.


Base sa mga dokumentong nakalap ng mambabatas, bawa't isang ambulansiya ay binili ng DOH ng P2.5 milyon kabilang na ang automated external defibrillators (AED), gayunman, ang ibang ipinahamagi ng ahensiya ay wala nito.


Sa mga impormasyon pa ni Lacson, isang local government unit ang nagplanong bumili ng isang unit ng kaparehong katangian at base sa presyo ay nagkakahalaga lamang umano ito ng P1.5 milyon.


Ang mga kaparehong ambulansiya na binili ng Philippine Charity Sweepstakes Office ay nasa P1.585 milyon bawa't isa habang ang pribadong sektor ay P1.650 milyon.


"Bakit ang layo ng diprensya ng presyo kung DOH bumibili compared sa ibang entities?" tanong ni Lacson.


"Isa lang ang ma-conclude namin dito. Pag may overpricing di ba may kumikita," pahabol ng senador.


*****


Comments

Popular posts from this blog

Lacson, Sotto to Maintain Focus on Voter Enlightenment in Last Month of Campaign

Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya