Paghukay sa Nakatago Pang Detalye ng Overpriced Medical Supplies, Suportado ni Ping
Paghukay sa Nakatago Pang Detalye ng Overpriced Medical Supplies, Suportado ni Ping
Setyembre 18, 2021
Paghukay sa Nakatago Pang Detalye ng Overpriced Medical Supplies, Suportado ni Ping
Muling inahayag ni Senador Panfilo Lacson ang kanyang taimtim na suporta sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa mga iregularidad sa pagbili ng pamahalaan ng medical supplies para matugunan ang problema ng pandemya ng COVID-19.
Inaasahan din ng mambabatas na hindi sapat ang isang pagdinig na lamang ng Senado sa nabanggit na kontrobersiya, bunga na rin ng mga detalye na kanila pang nabubungkal na may kinalaman sa mga transaksyon.
Nilinaw ni Lacson na hindi ang Pangulong Rodrigo Duterte o ibang personalidad ang puntirya ng imbestigasyon, kundi ang malaman ang buong detalye sa likod ng pagkakalipat ng P42 bilyon ng Department of Health (DOH) patungo sa Department of Budget and Management Procurement Service (PS-DBM).
"Ang concern namin ay ang issues na lumalabas. Kaya sabi ko basta tungkol sa inquiry, sinusuportahan namin nang lubos ang chairman ng Blue Ribbon Committee," paglilinaw ni Lacson sa panayam sa DWIZ radio.
"May lumalabas, in spite of resource persons’ refusal to cooperate, unti-unti naliliwanagan natin ang story behind paglipat ng P42 bilyon ng DOH sa PS-DBM,” dagdag ni Lacson.
Ayon pa sa mambabatas, ang pagbili ng mga mamahaling sasakyan ng mga matataas na opisyales ng Pharmally matapos makuha ang kontrata sa gobyerno ay puwedeng maidagdag sa mga batayan ng pagkakaroon ng anomalya sa transaksyon ng kumpanya sa gobyerno.
"Agad-agad parang napakaraming pera. That would buttress suspicions ang laki ng kinita nila,” dagdag ni Lacson.
"Yan pag pinagtagpi-tagpi mo may overprice. Kung wala, wala silang pambili ng sasakyan agad-agad,” paliwanag pa ng mambabatas.
Naniniwala rin ang mambabatas na hindi sapat ang isang pagdinig na lamang para maungkat iba pang detalye sa nabanggit na transaksyon.
Itinakda ng Senate Blue Ribbon Committee ang isa pang pagdinig sa darating na Martes, Setyembre 21.
"I don't think one more hearing will be sufficient para makita ang ibang issues na kalakip nito... Maraming lumalabas na information. Hindi pa nakatanong karamihan na senador. Marami pang gusto tanungin,” ayon kay Lacson.
Wala umanong kaugnayan sa pulitika ang ginagawa nilang pagsisiyasat dahil ang mga ganitong aktibidad ay matagal nang ginagawa ng Senado para maging basehan ng paglikha ng mga panukalang batas.
Pinasungalingan din ni Lacson ang mga impormasyong klinaro ng Commission on Audit (COA) na walang korapsyon sa naturang transaksyon dahil tungkulin nito na mag-audit at hindi siyasatin ang posibleng korapsyon.
Para kay Lacson, dapat na magkatuwang ang Ehekutibo at ang Senado sa paglansag sa mga katiwalian at hindi umano dapat isipin na may partikular na taong tinatarget ang huli dahil sumasang-ayon lamang sila sa krusada ng Pangulo.
"Hindi ito namumuntirya ng kung sinong tao. Ang pinupuntirya rito misuse ng public funds. After all isa lang sinisigaw natin, lahat tayo ngayon anti-corruption na," pagtutuwid ni Lacson.
*****
Comments
Post a Comment