Lacson-Sotto, Nanindigan sa Kanilang Prinsipyo sa Kabila ng Pulitika
Lacson-Sotto, Nanindigan sa Kanilang Prinsipyo sa Kabila ng Pulitika
Pebrero 10, 2022 - Nanindigan si Partido Reporma standard-bearer Senador Ping Lacson nitong Huwebes na wala nang makapagbabago sa kanyang prinsipyo kahit na kasalukuyan siyang tumatakbo sa pagka-Pangulo para lang makakuha ng boto.
Aniya, sa kabila ng mga panggigipit na naranasan niya sa pulitika, patuloy nyang panghahawakan ang kanyang prinsipyo sa pulitika, negosyo at maging sa buhay.
Sa ginanap na hybrid “Meet the Press” conference sa Lacson-Sotto headquarters sa Greenhills, San Juan City, sinabi ni Lacson at vice-presidential bet Senate President Vicente "Tito" Sotto III na hindi nila kailanman babaguhin ang kanilang tindig sa prinsipyo sa buhay anuman ang mangyari sa darating na eleksyon.
Dagdag pa ni Lacson, non-negotiable na ang kanyang adbokasiya laban sa korapsyon kahit na maging resulta nito ay ang hindi niya pagtanggap ng suporta sa ibang mga personalidad sa pulitika.
"Hindi ko mapapalitan ang position ko. Ngayon [pa ba] ako magpapalit just because I'm running for President, I'll please everybody? I’ll stand my ground," ani Lacson.
Ito ay matapos tanungin ang Lacson-Sotto tandem hinggil sa kanilang desisyon na alisin sa kanilang senatorial slate sina
Herbert Bautista at Sherwin Gatchalian sa pag-eendorso ng ibang kandidato sa pagka-Presidente.
"Kami may sariling sinusundang baseline principles sa buhay namin 'di lang sa eleksyon," dagdag ni Lacson.
Kabilang sa mga prinsipyong pinanghahawakan ni Lacson ay ang katapatan, integridad, dignidad at respeto sa sarili na itinuro aniya sa kanila ng kanyang mga magulang.
Sabi pa ni Lacson, patuloy niyang susundin ang mga ito kahit na hindi nya makuha ang suporta ng ibang senatorial candidates na may ibang adbokasiya at prinsipyo sa buhay.
"We respect their decision but we also have to respect our own standards. One day lang ang election. After that, we can still be friends if they so choose," sabi ni Lacson.
Ibinahagi rin ni Lacson na marami na rin siyang nakaaway sa pulitika dahil sa kanyang tindig laban sa korapsyon at sa pag-aabuso sa pork barrel system.
Ipinaliwanag na rin ni Lacson ang kanyang posisyon hinggil sa pork barrel sa mga miyembro ng Nationalist People's Coalition at National Unity Party, na kaalyado ng Partido Reporma.
"I already explained to them. I'm not against pork per se, ilagay lang sa ayos. I remain proud of my position because that has been my advocacy. Anti-corruption talaga ako. Hindi ko mapapalitan ang position ko," paliwanag ni Lacson.
Sinang-ayunan naman ito ni Sotto at sinabi na ang mga naging desisyon ng ibang kandidato kamakailan na mag-endorso ng ibang kandidato sa pagka-Presidente at Bise-Presidente ay nagbigay linaw sa lahat ng botante kung sino talaga ang kanilang sinusuportahan.
"This could be a blessing in disguise as far as the perspective of the voters are concerned. Makita mo sino may loyalty at wala, sino ang maasahan at wala. It’s very enlightening to the voters. We will stick to those who we think we'll endorse," ani Sotto.
Sa kabilang banda, nangako ang tandem na patuloy nilang ipapaalam sa publiko ang kanilang mga plataporma na Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino, at Ubusin ang Magnanakaw.
Anuman ang maging kalalabasan ng eleksyon ngayong taon, umaasa si Lacson na marami ang mabuksan ang isip na pag-usapan at isipan ng solusyon ang mga seryosong problema ng bansa.
"Maski anong mangyari sa 2022, naka-contribute kami sa edukasyon ng botante na tumingin sa seryosong bagay... Sana mamulat ang ating kababayan na huwag maging short-sighted," ani Lacson.
*****
Comments
Post a Comment