Lacson sa Kanyang Senatorial Bets: Patuloy na Bantayan ang Kaban ng Bayan
Lacson sa Kanyang Senatorial Bets: Patuloy na Bantayan ang Kaban ng Bayan
GENERAL TRIAS CITY, Cavite - Ituloy ang pagbabantay.
Ito ang mensahe ni Senador Ping Lacson sa kanyang mga senatorial bets - ang maging masigasig at mapanuring bantay ng kaban ng bayan kung saan nakilala si Lacson sa kanyang matagal na panunungkulan bilang senador.
Ayon kay Lacson, sa panahon ngayon pinakaimportante na masiguro na nagagamit nang tama ang kaban ng bayan lalo na't nasa kalagitnaan pa rin tayo ng pandemya na nakakaapekto sa ating ekonomiya at lumolobong utang ng bansa na aabot na sa P13.42 trillion sa Hunyo 2022.
"I hope you carry the torch. Ang ating national budget, kaban ng bayan ito, lifeblood ng ating economy, lifeblood ng ating bansa, lifeblood ng bawa't isa sa atin. Pag pinabayaan natin, hindi lang tayo - ang anak natin at maging apo natin, yan ang tatamaan. Ngayon pa lang dapat magising tayo sa katotohanan ang national budget na galing sa buwis," mensahe ni Lacson sa kanyang mga senatorial candidates na sina Raffy Tulfo, Guillermo Eleazar at Minguita Padilla.
"Hindi ko kayo dini-discourage. Mas mabuti manalo kayo para ituloy nyo," dagdag ni Lacson.
Sa kanyang termino sa pagka-senador mula 2001-2013 at 2016-2022, masusing sinuri ni Lacson ang pagpasa sa badyet at matapang na kinuwestyon ang mga kahina-hinalang appropriations at siniguro na nakatuon sa mga importanteng programa, aktibidad at proyekto ang pambansang badyet.
Tumatakbo sina Eleazar at Padilla sa ilalim ng Partido Reporma habang si Tulfo ay guest candidate ng Lacson-Sotto tandem. Sinamahan nila ang tambalang Lacson-Sotto sa kanilang pagbisita sa Cavite nitong Biyernes. Si Senate President Vicente "Tito" Sotto III ay tumatakbo sa pagka-Bise Presidente sa ilalim ng Nationalist People's Coalition.
Pagbabahagi pa ni Lacson, malapit nang umabot sa P13.42 trillion ang utang ng bansa sa susunod na Hunyo. Ibig sabihin, may pagkakautang ang bawat 111 milyong Filipino ng P121,000, kasama na rito ang mga bagong silang pa lamang.
"Buti kung ginawa nating investment, invest sa infrastructure, health, at livelihood," ani Lacson.
Mainit na tinanggap ang Lacson-Sotto tandem ng mga residente ng Tanza, Cavite. Nakipagpulong din sila sa mga lokal na opisyal at mga miyembro ng local Tricycle Operators and Drivers Associations (TODAs).
*****
Comments
Post a Comment