Tanong ni Ping: Halos P12B Kontrata ng Medical Supplies, Paano Nasungkit ng Pharmally?

 Setyembre 13, 2021

Tanong ni Ping: Halos P12B Kontrata ng Medical Supplies, Paano Nasungkit ng Pharmally?




Paano nangyaring ang Pharmally Pharmaceutical Corp., na may kapital na lagpas lang ng bahagya sa P600,000, ay nakopo ang halos P12 bilyong kontrata sa pamahalaan para sa medical supplies sa pagtugon sa pandemya ng Covid-19?

Ito ang nagtatakang tanong ni Senador Panfilo Lacson sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa nabanggit na kontrobersya, na pumutok matapos lumabas ang ulat ng Commission on Audit (COA).

Ayon kay Lacson, ang nabanggit na halaga ay bahagi ng P42 bilyon na na inilipat ng Department of Health (DOH) sa  Department of Budget and Management Procurement Service (PS-DBM) para ibili ng mga kagamitan sa pagtugon sa Covid-19.

Dahil dito, inatasan ng mambabatas si Pharmally chairman Huang Tzu Yen at director na si Linconn Ong na isumite sa komite ang official records na nagsasaad ng mga kontratang nakuha ng kumpanya pati na rin ang mga kaakibat na halaga.

"Just make sure you base your figures on official records," paalala ni Lacson, matapos na isiwalat ni Ong na batay sa kanilang "records" ay nakakuha ang Pharmally ng P11 bilyon.

Batay sa datos mula sa Government Procurement Policy Board, binanggit ni Lacson na ang Pharmally ay napagkalooban ng tinatayang pitong kontrata na naghahahalaga ng P8,625,496,016. 

"If we add the computations of Senators Franklin Drilon and Richard Gordon, it could reach P12 billion," dagdag ng mambabatas.

Una rito ay isiniwalat ni Lacson na batay sa mga inisyal na impormasyon na kanyang nakuha nasa 50,000 face masks lamang ang isu-suplay ng Sitaldas company at 100 milyon piraso mula sa EMS, bagama’t 25 milyong piraso lamang ang natanggap.

Malaking bahagi ng kontrata ng Pharmally ay nagkakahalaga ng P3.82 bilyon para sa dalawang milyong set ng personal protective equipment (PPE) na binili ng kumpanya sa halagang P1,150 kada set at ibinenta sa P1,910 bawat set na may patong na P760/set o tinatayang P1.5 bilyon ang pinakamababang tubo sa kabuuan.

"Kaya kailangan tingnan kung na-defraud ba ang government or taxpayer sa pakikipag-deal ng PS-DBM," paliwanag ni Lacson sa naunang pahayag ng DZBB radio.

Isinusulong ng mambabatas ang malalimang pagbusisi sa P42 bilyon na inilipat ng DOH sa PS-DBM dahil mahalaga aniyang malaman ang katotohanan sa likod nito - malaking bahagi ay inutang lamang at babayaran ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino.

"Babayaran yan ng mga kaapu-apuhan. Di ba dapat tingnan natin kung maayos ang paggastos ng pera ng bayan?” banggit ni Lacson.

Dismayado rin ang senador sa pagpabor ng pamahalaan sa mga supplier ng imported na kagamitan gayung mayroon namang mga lokal na negosyanteng kayang matugunan ang mga pangangailangan para sa pagharap sa pandemya.

"Kaya lumaki ang issue kasama na rin yan. Bakit pabor na pabor sa importer samantalang may namumuhunan na rito?” pahabol ni Lacson.

*****

Comments

Popular posts from this blog

Lacson, Sotto to Maintain Focus on Voter Enlightenment in Last Month of Campaign

Ping, Umaasa sa Muling Pagkakaisa, Kapayapaan ng Sambayanan sa Pagtatapos ng Kampanya